ASG kinondena ni GMA sa masaker sa Tawi-Tawi

abs-cbn

Kinondena ng Pangulong Arroyo nitong Miyerkules ang Abu Sayyaf bunga ng pamamaslang ng mga bandido sa limang mga bihag na dinukot sa Sabah, Malaysia. Ipinaabot din ni Gng. Arroyo ang pakikiramay niya sa pamilya ng mga nasawi.

 

Kasabay nito, inatasan ng Pangulo ang Pambansang Pulisya at Sandatahang Lakas na tugisin ang mga salarin na responsable sa pamamaslang. Ayon sa mga ulat, huling namataan sa Languyan, Tawi-tawi ang mga salarin.

 

Tinukoy ng mga awtoridad na kagagawan ng Abu Sayyaf ang pagpatay sa limang bihag na kinabibilangan ng isang Malaysian, dalawang Indones, at dalawang Pilipina. Pawang mga manggagawa sa Paraside Eco Resort sa Sabah ang mga biktima.

 

Ibinatay ang bintang sa testimonya ni Nonoy Arcosel, 19. Kabilang siya sa mga tinangay ng mga kidnaper na nagpakilalang sundalo ng Malaysia.

 

Natakasan ni Arcosel ang mga kidnaper. Bagama't pahayag ng pulisya at miltiar, nasagip siya matapos ang engkwentro sa pagitan ng mga bandido at pwersa ng pamahalaan noong Lunes ng gabi.

 

Mula sa mga sinabi ni Arcosel, inihayag ng pamahalaan na mga Abu Sayyaf ang dumukot sa mga biktima. Kinilala ni Arcosel ang isa mga kidnaper na si Ghalib Andang alias Kumander Robot. Si Andang ang pinuno ng Abu Sayyaf sa Sulu.

 

Naniniwala ang Pangulo na nahaharap sa pagsubok ang Pilipinas sa panibagong opensiba ng Abu Sayyaf laban sa pamahalaan. Una nang sinabi ng Pangulo na "mahinang pwersa" na ang Abu Sayyaf.

 

Binanggit ito ng Pangulo sa isang talumpati ilang araw bago dumating sa Maynila si Pangulong George W. Bush ng Estados Unidos. Kapalit ng Abu Sayyaf, inilagay ng pamahalaan ang grupong Jema'ah Islamiyah sa kategorya ng pangunahing banta sa seguridad ng bansa.

 

Isinangkot ang J.I. sa serye ng mga bombahan sa Maynila, at Jakarta at Bali sa Indonesia. Operatiba rin umano ng pangkat si Fathur Roham al-Ghozi, utak ng pambobomba sa Maynila noong Disyembre 30, 2000, na pumatay sa 22 katao.

 

May hinala rin ang mga awtoridad sa rehiyon ng Timog Silangang Asya na pinopondohan ng al-Qaeda ni Osama bin Laden ang J.I.

1
1378
تعليقات (0)