Davide Trial Tapos sa 10 Araw

b

Tatapusin ng Senado bilang impeachment court ang impeachment complaint na iaakyat sa kanila ng Kamara laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide sa loob ng sampung araw.

 

Ito ang inihayag kahapon ni Sen. Aquilino 'Nene' Pimentel Jr. sa pagsasabing higit na simple ang reklamong kuwestyunableng paggamit sa Judiciary Fund (JDF) ni Davide kumpara sa plunder case na iniharap noon kay dating Pangulong Joseph Estrada.

 

Idinagdag pa ni Pimentel na komplikado ang kaso noon ni Estrada dahil ito'y halal na pangulo ng bansa.

 

Inamin din nitong malaking elemento ang pagkakahati noon ng Senado bilang administration at opposition blocs dahil ang nakasalang sa impeachment ay isang pulitikong may kinaaanibang partido.

 

Sa pagkakataong ito, si Davide ay isang opisyal ng co-equal branch ng gobyerno, ang hudikatura, kaya't walang dahilan para mahati at maging partisan ang Senado sa kaso nito.

 

"My view is that there would be no more twisting in the winds for anyone. We will proceed and I believe in 10 days, it will be over," anang senador.

 

Idinagdag pa nito na baka sa unang araw pa lang ng pagdinig ng Senado sa Davide impeachment ay magbaba na ng ruling ang Korte Suprema na nagdedeklarang hindi impeachable offense ang sinasandalan ng reklamo o kaya ay hindi sinunod ng Kamara ang proseso ng pagpapatibay o transmittal ng article of impeachment.

 

Samantala, matapos sumipot sa isang pamisa para kay Davide sa SC compound at magkaloob ng solidong suporta at paniniwala sa integridad ng punong mahistrado, muling nagbago ang ihip ng hangin kahapon sa Malacaٌang nang biglang gumitnang muli si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pag-uumpugan ng hudikatura at lehislatura sa isyu ng impeachment.

 

"The Executive shall firmly hold the middle ground in this controversy but let this never be interpreted as weakness. To be drawn wantonly to either side of this dispute will derail the chances of a principled compromise and will further erode national stability," pahayag ng Pangulo.

 

Mula sa Kamara, kinumpirma kahapon ni Akbayan Partylist Rep. Loreatta Rosales ang matinding gapangang nagaganap para maisalba si Davide mula sa impeachment proceedings.

 

Inamin ni Rosales na isa siya mismo sa mga kumikilos para kumbinsihin ang kanyang mga co-prime movers ng Davide impeachment na bawiin na ang kanilang pirma sa complaint.

 

Ngunit tiniyak nitong hindi suhol o anumang uri ng areglo ang kanilang ginagamit kundi isang dokumentong naglalaman ng detalyadong 'items' kung paano ginamit ang P3 bilyong JDF na siyang ugat ng impeachment.

 

Sa kabilang dako, tinuligsa naman ni Northern Samar Rep. Harlin Abayon ang pagpapaliwanag ni Davide kamakalawa ng gabi sa isang public forum sa pamamagitan ng programang 'Debate' sa GMA 7.

 

Itinuturing ng solon na isang 'appeal to mob rule' ang hakbang na ito ng punong mahistrado.

 

Samantala, patuloy pa ring dumadagsa ang mga abogadong nag-aalok ng kanilang serbisyo sa anumang paraan upang maging bahagi ng 'dream team' na depensa ni Davide oras na maiakyat sa Senado ang article of impeachment ng Kamara.

 

1
1397
تعليقات (0)