Gloria nangampanya sa sementeryo

Juliet de Loza, Abante

Hindi na mapigil ang pangangampanya ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo para sa 2004 presidential election matapos nitong magsagawa ng maghapong ‘sementeryo tour’ sa anim na libingan sa Metro Manila.

 

Nabatid na unang nagtungo ang Pangulong Arroyo sa Libingan ng mga Bayani sa may Fort Bonifacio upang dalawin ang puntod ng kanyang mga magulang na sina dating Presidente Diosdado Macapagal at Evangelina Macaraeg-Macapagal.

 

Pinuntahan din ng presidential convoy ang libingan ng Sanctuario de San Jose sa Forbes Park sa Makati City para puntahan ang namayapang lolo at lola na sina Juan at Irenea Macaraeg.

 

Isinunod ang Loyola Memorial Park sa Marikina City upang silipin ang puntod ng ama ni First Gentleman Atty. Jose Miguel Arroyo na si Ignacio Lacson-Arroyo.

 

Nagtungo rin ang presidential convoy sa San Juan Municipal Cemetery at Sanctuario de San Martin kung saan nakahimlay ang mga kamag-anakan ni dating Pangulong Joseph Estrada subalit sa halip na makipagkamay sa mga tao, nagkasya na lamang sa pakaway-kaway ang Chief Executive pagdaan sa balwarte ni Estrada.

 

Nagwakas ang sementeryo tour ng Pangulo sa pagdalaw nito sa North Cemetery kung saan nakahimlay ang puntod ng kanyang biyenang si Lourdes Tuazon-Arroyo. Bagama’t naging mainit ang pagtanggap ng ilang tao sa nabanggit na libingan kay Mrs. Arroyo, may ilan ding tila hindi nasiyahan sa pagbisita nito dahil inuga at sinakyan ng ilang lasing ang hulihan ng presidential convoy. Kung hindi pa sa tulong ng mga nagrespondeng pulis, hindi pa makakalabas ng maayos ang grupo ng Pangulo.

 

1
1412
تعليقات (0)