Ibulatlat and JDF!

Boyet Jadulco at Juliet de Loza, Abante

Kung ang kontrobersyal na Judiciary Development Fund (JDF) ang pinag-ugatan ng kinakaharap na impeachment charges ni Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide Jr., ito rin ang magsisilbing kaligtasan nito.

 

Ito ang inihayag na paniniwala kahapon ni Sen. Joker Arroyo kasabay ng paghamon sa mga kongresista na ibulatlat sa publiko ang pinaggamitan ng JDF na ayon sa kanila ay ginamit sa maling paraan o winaldas lang ng tanggapan ni Davide.

 

Ito ang pinagbasehan ng ikalawang impeachment complaint na pinatibay ng Kamara at nakatakdang iakyat sa Senado sa pagbubukas muli ng sesyon sa Nobyembre 10.

 

Kung maeestablisa na walang kamalasaduhang nangyari sa JDF, na siyang pinaniniwalaan ng senador, awtomatiko umanong malulusaw ang bintang sa punong mahistrado at maisasalba pati na ang bansa sa kinakaharap na political at constitutional crisis.

 

Ngunit sinabi rin ni Arroyo na naiintindihan niya ang pagmamatigas ni Davide na huwag ipabukas ang JDF sa Kongreso gaya ng tiyak ding pagmamatigas ng bawat kongresista at senador kung sakaling may magkainteres na butingtingin kung paano nila ginagamit ang kani-kanilang ‘pork barrel’ o countryside development fund (CDF).

 

“You can bet your last buck none of them would agree. What is good for the gander should be good for the geese. Why single out the Supreme Court?” pagrarason ng senador.

 

“Even the housewife who manages the family expenses cannot operate on a straight-jacket fixed budget. She realigns funds to meet the ever-changing needs,” dagdag pa nito.

 

Umapela naman kahapon si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa lehislatura at hudikatura na tapusin na ang girian sa pagitan ng co-equal branches na ito ng pamahalaan upang matuldukan na ang krisis na kinakaharap ng bansa.

 

“Idalangin natin na maiwaksi na ang pagsisiraan at sa halip ay lalo pang magkaisa tungo sa pangarap nating malakas na republika,” mensahe ng Pangulo sa kanyang pagdalaw sa Libingan ng mga Bayani kahapon.

 

Sa panig ni Sen. Edgardo Angara, sinisi nito ang Korte Suprema sa pagsiklab ng political crisis na nag-uugat sa Davide impeachment. Kung hindi umano nakialam ang kataas-taasang hukuman ay malamang na naresolba na ang problema ngayon.

 

“The Congress and Presidency are trying to find an honorable settlement. That should have been the best cue for the Supreme Court to take hands off policy,” anang senador lalo’t ang nasa sentro ng kontrobersya ay ang kanilang punong mahistrado.

 

1
1413
تعليقات (0)