10 Nalagas sa Impeachment

Rose Miranda, Grace Velasco at Eralyn Prado

Ibinunyag kahapon ni Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) spokesman Heherson Alvarez na mayroon nang 10 kongresista mula sa kanilang partido ang nag-atras na ng kanilang lagda sa articles of impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide at may pito pang Lakas solons na kanilang ginagapang ngayon at namumuro na ring sumunod sa yapak ng unang batch ng mga umatras.

 

Sa naunang panayam kamakalawa, sinabi ni Alvarez, na siya ring presidential adviser on overseas Filipino communities, na limang administration congressmen na signatories ng impeachment ang bumaligtad na at kahapon ay nadagdagan ito ng lima pa.

 

“Meron pang lima, so sampu na ang bumawi ng suporta sa impeachment. As of now, may pito pa kaming pinakikiusapan,” dagdag nito bilang pagtukoy sa 17 Lakas solons na sumuporta sa impeachment.

 

Nang usisain kung sinu-sino ang mga nagsipag-atrasan sa impeachment ay tumanggi itong maglabas ng mga pangalan upang maiiwas sila sa kontra-gapang ng mga prime movers ng Davide impeachment.

 

Ngunit sa isang press statement kagabi, tiniyak ni House minority leader Carlos Padilla na nananatiling intact o solido ang 88, hindi lang 86 gaya ng unang ulat, signatories sa articles of impeachment laban kay Davide at wala umanong katotohanan ang pahayag na nalagasan sila ng bilang.

 

“There were 95 signatories. Seven backed out, so this leaves 88 signatories. That’s simple arithmetic,” ani Padilla.

 

Samantala, kung patuloy ang gapangan sa articles of impeachment para mabawasan ang nakapirma rito, patuloy namang nadadagdagan ang bilang ng mga kongresistang sumasama sa petisyon sa Korte Suprema na pumipigil sa Davide impeachment.

 

Kahapon ay anim pang kongresista ang nagpaabot ng intensyon sa kataas-taasang hukuman na maisama ang kanilang pangalan sa petisyong inihain nina House Deputy Speaker for Visayas Raul Gonzales at Rep. Salacnib Baterina para harangin ang Davide impeachment.

 

Ito ay sina Reps. Raul del Mar ng Cebu, Oscar Rodriguez ng Pampanga, Edwin Uy ng Isabela, Manuel Mamba ng Cagayan, Lawrence Wacnang ng Kalinga at Solomon Chungalao ng Ifugao.

 

Sa isa namang hiwalay na panayam ng RMN-News Manila, sinabi ni presidential spokesman Ignacio Bunye na malinaw umano ang report ng Commission on Audit (COA) na walang naganap na anomalya sa Judiciary Development Fund (JDF).

 

Dahil dito ay lumilitaw na walang basehan ang isinusulong na impeachment ng ilang kongresista laban kay Davide.

 

Sa kabilang dako, sinabi ni Albay Rep. Joey Salcedo, isang economic analyst, na hindi siya kumbinsidong nakakasama sa ekonomiya ang Davide impeachment na siyang pinalilitaw ng business sector.

 

Anang solon, bago pa ang impeachment issue ay masama na ang lagay ng ekonomiya ng bansa.

 

 

1
1424
تعليقات (0)