Ex-Gens pinabibitiw si Davide

Rose Miranda, Abante

Lumantad na ang mga retiradong heneral sa isyu ng impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide Jr. upang isulong ang alternatibong solusyon sa girian ng Kongreso at ng hudikatura at ito ay ang pagbibitiw ng huli.

 

Sa isang telephone interview, sinabi ni retired Philippine Army Gen. Angel Sadang na marami sa kanilang hanay ang naniniwalang ang pinaka-honorable na solusyon sa problema ay ang kusang pagbaba sa puwesto ng punong mahistrado.

 

Hindi lamang umano ang sarili ang isasalba ni Davide kung siya ay magbibitiw na lamang sa puwesto kundi ang buong imahe ng Korte Suprema.

 

“Sabi ng ilang kasamahan ko, kung magre-resign si Chief Justice Davide, magiging honorable exit niya ito at lalabas pa siyang martir,” ani Sadang.

 

Kung ihahain umano ni Davide ang sarili ngayon alang-alang sa bayan, walang dudang susuportahan pa nila ito kung mayroon mang ambisyong pulitikal sa 2004.

 

Ngunit tiniyak din nitong walang balak ang Association of Generals and Flag Officers (AGFO) na makisawsaw sa gulong ito o kahit sa sinasabing panibagong ugong ng kudeta para mawakasan ang political at constitutional crisis na likha ng Davide impeachment.

 

Samantala, tiwala ang palasyo ng Malacanang na solido ang suporta ng buong Armed Forces of the Philippines (AFP) sa administrasyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa kabila ng kumakalat na ugong ng diumano’y coup threat para pagitnaan ang Davide impeachment na ugat ng gitgitan ngayon ng hudikatura at lehislatura.

 

1
1426
تعليقات (0)