Kakahiya! Bigo sa Abu Sayyaf

Star

HINDI masisisi ang Australia, Canada, US at iba pang bansa na pagbawalang magtungo ang kanilang mamamayan sa Pilipinas. Delikado rito. Walang tigil ang pangingidnap. Masakit tanggapin pero iyan ang totoo.


"Kidnapping capital of the world" ang Pilipinas. Hindi naman maitatanggi sapagkat kitang-kita ang katibayan. Habang may mga Tsinoy na kinikidnap sa Metro Manila, bumabanat din ang mga teroristang Abu Sayyaf sa Mindanao at umaabot pa sila hanggang sa Indonesia at Malaysia. Kakahiya! Hindi sila malipol ng gobyerno sa kabila na iilan na lamang ang mga miyembro – umano’y may 1,000 na lamang.


Ilang ulit nang nagbanta ang gobyerno ni President Arroyo sa mga teroristang ito subalit walang epekto. Patuloy pa ring nakatayo ang mga terorista, nangingidnap at walang awang pumapatay. Hindi nila iginagalang ang mga babaing bihag at tinatapyasan pa nila ng suso. Maski pari ay hindi nila iginagalang. Isang pari ang kanilang pinatay matapos bunutan ng kuko sa mga paa.

 

Sino ang nagsabing mahina na ang Abu Sayyaf makaraang mapatay si Abu Sabaya? Nagpapatawa ang military. Buhay pa ang mga terorista. Noong October 5, 2003, anim katao ang binihag sa Sabah, Malaysia ng mga sandatahang lalaki na pinamumunuan umano ni Ghalib Andang alyas Kumander Robot. Si Robot ay isa mga lider ng Abu Sayyaf na bumihag sa mga dayuhan sa Sipadan, Malaysia noong April 2000. Kumamal sina Robot nang may $20 million sa ransom.


Ngayo’y balik sa kanilang trabaho sina Robot at sa
Malaysia nga uli bumanat. Dinala nila ang mga bihag sa Tawi-Tawi. Subalit noong Lunes, pinatay na nina Robot ang lima sa mga bihag. Ang isa ay nakatakas at ito ang nakapagpatunay na mga Abu Sayyaf ang kumidnap sa kanila sa Sabah.


Nang pumutok ang balita, itinanggi pa ng military na mga Abu Sayyaf ang nangidnap pero ngayo’y kumpirmado na. Kakahiya! Ano bang agimat mayroon ang mga teroristang ito at hindi madurog ng military? Patuloy ang pamamayagpag ni Robot at ng isa pang lider na si Khadafy Janjalani. Umano’y madalas makita ang dalawang ito sa Sulu at Basilan subalit hindi mahuli ng military. Palipat-lipat lamang ng lugar.


Hanggat hindi nadudurog ng gobyerno ang teroristang Abu Sayyaf, mananatiling katatakutan ang Pilipinas ng mga dayuhan. Walang pupunta rito. Bagsak ang turismo. Patunayan ng gobyerno na kayang durugin ang mamamatay-taong Abu Sayyaf.

1
1428
تعليقات (0)