GMA Naghain ng kasunduan sa kaso ni Davide

abs-cbn

Inihain ni Pangulong Arroyo sa Kongreso at Korte Suprema nitong Martes ang isang kasunduang naglalayong maresolba ang isyu ng pagpapatalsik kay Punong Mahistrado Hilario Davide Jr.

 

Nahaharap si Davide sa kasong impeachment na isinulong ng mahigit 80 na kongresista. Nag-ugat anila ang kaso sa hindi matinong pamamahala ng punong mahistrado sa Judicial Development Fund.

 

Ani Arroyo, layunin ng kasunduang matigil na ang isyu at maagapan ang pagkakahiwalay bunsod ng pagkakaiba ng opinyon.

 

Nakasalig pa rin sa Konstitusyon ang naturang kasunduang layuning mapagtibay ang demokrasya, giit ni Arroyo.

 

Aniya, ipinadala na niya ang mga kopya ng panukalang kasunduan kay Davide, Speaker Jose de Venecia at Senate President Franklin Drilon.

 

Pangunahing pipirma sa kasunduan sina Davide at de Venecia habang pipirma si Drilon bilang testigo.

 

Hindi naman nagpalabas ng kopya ang Malacañang ng naturang kasunduan.

 

Iginiit ni Arroyo na handa siyang pumirma sa kasunduan kasama sina de Venecia at Davide upang mapatunayan aniya ang nagkakaisang paninindigan ng tatlong sangay ng pamahalaan sa pagreresolba ng isyu.

 

Kinakausap na ni de Venecia ang mga kongresista na bigyan ng puwang ang kasunduan sa harap ng isyu ng impeachment, ani Arroyo.

 

Sinabi ng Pangulo na nakabatay ang isinasaad ng dokumento sa mga sumusunod na prinsipyo:

 

Unang-unang dapat isaalang-alang ang kabutihan ng mga mamamayang Pilipino base sa Saligang-Batas at mga tradisyon sa pulitika, ikalawa, dapat manatili ang pagkakahiwalay at pagkakapantay-pantay ng kapangyarihan at pagkakaisa ng tatlong pinakamataas na sangay ng gobyerno.

 

Ikatlong tinukoy ni Arroyo ang halaga ng "checks and balances" o pananatili ng integridad ng mga sangay upang masuri ng bawat isa na ginagawa nito ang tungkulin sa pamamahala.

 

Iginiit din niya ang halaga ng pagkakaisa ng sambayanan at hindi ng o pagbibigay halaga sa mga alyansa sa pulitika o partisanship.

 

Dapat aniyang pangalagaan ng ehekutibo, lehislatura at hudikatura ang kapakanan ng publiko at hanapan ng solusyon ang isyu batay sa isinasaad ng batas.

 

Ani Arroyo, dapat maghari ang demokrasya sa pamumuno na nakabase sa paggalang at pagtitiwala ng mamamayan sa mga pinuno ng bansa.

 

Nangatwiran naman si Arroyo tungkol sa pakikialam niya sa isyu. Aniya, tungkulin niya na manguna tungo sa pagkakaisa at pagresolba sa isyu ng impeachment laban kay Davide.

1
1444
تعليقات (0)