'FPJ, Ping, Nene na lang'

Efren L. Danao, Senior Reporter

NABAWASAN na ng dalawa ang pinagpipilian ng mga oposisyon para kumandidatong pangulo sa susunod na eleksyon. Ibinunyag ni Sen. Edgardo Angara noong Biyernes na tinanggal na nila sa listahan sina Sen. Noli "Kabayan" de Castro at Sen. Gregorio "Gringo" Honasan II.

 

Tatlo na lamang aniya ang kanilang pagpipilian-sina Sen. Panfilo Lacson, action king Fernando Poe Jr. at Sen. Aquilino Pimentel Jr.

 

Sinabi pa ni Angara, presidente ng Laban ng Demokratikong Pilipino na ang pang-apat na si Eduardo Cojuangco ay maaaring "hindi na tumakbo."

 

Iniulat din ni Angara na tumanggi sina De Castro at Honasan na mapasama sa listahan. Si Honasan ay malamang na tumakbo na lamang sa pagka-congressman sa Sorsogon, paliwanag ni Angara.

 

Sinabi rin ni Angara, na ipinatanggal ni De Castro ang kanyang pangalan pero hindi naman nilinaw kung tatakbo ito o hindi sa pagka-pangulo o pagka-bise presidente.

 

Naniniwala si Angara na makapipili rin sila ng kandidato bago matapos ang buwang ito. Samantala, inihayag ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III, na siyang nakatalaga sa pakikipag-usap kay FPJ, na ang pagkandidato ng aktor ay "95 percent sure."

 

Bukod sa Baguio, nakatakda ring bisitahin ng oposisyon ang mga lungsod ng Naga, Bacolod, Cebu, Cagayan de Oro, Davao at Kalakhang Maynila.

Layunin ng biyahe na damahin ang "pulso" ng taumbayan sa kandidatong ilalaban ng oposisyon para sa halalan.

1
1491
تعليقات (0)