Impeachment nasa Kamay ni Loren

Boyet Jadulco/Juliet de Loza/Eralyn Prado/Rose Miranda

Kahit matapos sa Kamara ang articles of impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide Jr. at hindi mapigilan ang transmittal nito patungong Senado, hindi pa rin malinaw kung ano ang magiging kapalaran nito sa naturang kapulungan at ang lahat ay nakasalalay sa isang boto: ang kay Senate majority leader Loren Legarda.

 

Sa configuration ngayon sa Senado, 11 ang nasa panig ng mayorya na inaasahang magsasalba kay Davide at 10 ang nasa oposisyon na pinaniniwalaan namang magsesentensya sa punong mahistrado. Tanging si Legarda ang hindi pa matiyak kung saan ito nakapanig.

 

Napakahalaga umano ng magiging boto ni Legarda sa unang round pa lang dahil ito ang magiging deciding factor kung agad mamamatay ang Davide impeachment o tutuloy pa sa isang mahabang paglilitis.

 

Nakadagdag sa palaisipan sa magiging posisyon ni Legarda ang pagkalas nito kamakailan sa administrasyon.

 

Ngunit para kay administration Sen. Joker Arroyo, hindi kasiguruhan ang pagiging oposisyon ng isang senador para masabing papanigan nito ang impeachment laban kay Davide.

 

“It is possible that the members will cross party lines on this issue,” ani Arroyo.

 

Ipinaliwanag pa nito na hindi awtomatikong magiging impeachment court ang Senado oras na iakyat sa kanila ng Kamara ang articles of impeachment laban kay Davide.

 

“Assuming that the House votes to transmit the articles of impeachment to the Senate, it does not follow that the Senate will immediately constitute itself into an impeachment court and proceed with the trial. The Senate will have to first vote formally to do that,” paliwanag pa ng solon.

 

Mula sa Kamara, kinumpirma kahapon ni Ilocos Norte Rep. Imee Marcos ang balak ng mga pro-Davide solons na iboykot ang sesyon sa Lunes upang sa gayon ay hindi magkaroon ng quorum upang mapigilan ang impeachment transmittal pa-Senado.

 

Isa umano siya sa mga nakatanggap ng text campaign para sa nasabing boycott move ngunit wala umano siyang balak na magboykot kahit pa hindi siya lumagda sa impeachment complaint.

 

Samantala, bukas si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa anumang dagdag na panukala ng mga kongresista sa kanyang binalangkas at inihaing covenant sa dalawang kapulungan ng Kongreso upang makalikha ng ‘principled settlement’ sa girian ng Korte Suprema at Kongreso.

 

Kaugnay nito, inatasan ng Malacaٌang ang Commission on Audit (COA) na maging mas agresibo at palaban sa paghahayag ng mga tamang impormasyon ukol sa kontrobersyal na Judiciary Development Fund (JDF) na siyang pinag-ugatan ng impeachment case.

 

Kahapon ay umabot sa 5,000 demonstrador ang nagmartsa kahapon sa Makati City upang igiit ang pagbaba ni Davide sa puwesto.

 

Sa Cabanatuan City, tatlong hukom mula sa Regional Trial Court (RTC) ng lungsod ang nakiisa sa 120 RTC employees na nananawagan para sa pagbibitiw ng punong mahistrado.

 

Sa gitna ng mga pagkilos na ito ng ilang empleyado ng hudikatura, mariing itinanggi kahapon ng Alliance of Court Employees Association of the Philippines (ACEAP) na hindi sa kanila nanggaling ang sumingaw na JDF scam na ugat ng impeachment laban kay Davide.

 

1
1492
تعليقات (0)