NAIA tinangkang sakupin ng dating hepe ng ATO

abs-cbn

Pinasok at tinangkang sakupin ng dating hepe ng Air Transportation Office (ATO) ang tore sa paliparan ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) bago sumapit ang madaling araw ng Sabado.

 

Napatay ng mga operatiba ng Special Weapons and Tactics (SWAT) si Panfilo Villaruel at ang kasama niya na nakilalang si Ricardo Gatchalian bago sumapit ang 4 a.m.

 

Si Villaruel ay dating hepe ng ATO noong panahon ni dating pangulong Fidel Ramos.

 

Nabatid na pinasok ng grupo ni Villaruel ang tore bago sumapit ang hatinggabi ng Sabado at pilit na pinapaalis ang mga empleado ng NAIA.

 

Bago siya napatay, sinabi ni Villaruel sa panayam ng radyo dzMM na malaki ang hinanakit niya sa pamahalaan. Aniya, sawang sawa na siya sa lantarang korupsyon na nangyayari sa gobyerno.

 

Sinabi pa ni Villaruel na kung mananatiling walang kibo ang taumbayan ay siya ang tatayo at magiging boses nito.

 

Unang ipinagmalaki ni Villaruel na protektado siya ng 12 lalaking armado subalit nabatid ng pulisya na siya at si Gatchalian lang ang tao sa tore.

 

 

Pagpawi ng usok

 

Tinangka ng mga awtoridad na makipag-negosasyon kay Villaruel subalit putok ng baril ang isinagot nito.

 

Dahil dito, napilitang pasukin ng mga operatiba ng SWAT ang tore ng NAIA at nakipagsabayan ng putok kina Villaruel at Gatchalian.

 

Nang mapawi ang usok, nakabulagta at wala nang buhay sina Villaruel at Gatchalian.

 

Matapos ang insidente, sinabi ni Edgardo Manda, general manager ng NAIA, na normal na ang sitwasyon sa loob ng paliparan at maging ang mga eroplano ay maayos nang nakalalapag.

 

"Tapos na ang gulo. Maayos at normal na ang sitwasyon sa paliparan," ani Manda sa isang panayam.

 

Agad namang nagpalabas ng pahayag ang Pangulo at sinabing hindi dapat mabahala ang taumbayan dahil ang nangyari ay hindi kudeta. Aniya, totoong alertado ang mga awtoridad subalit ang insidente ay walang epekto sa pambansang seguridad.

1
1497
تعليقات (0)