Boykot solons ipadadampot

Boyet Jadulco & Juliet de Loza, Kabayan

Ipapaaresto ni Isabela Re. Rodolfo Albano Sr. ang mga kongresistang magboboykot sa balik sesyon ng Kongreso bukas (Lunes) upang mapigilan ang transmittal ng articles of impeachment laban kay Supreme Court (SC) Chief Justice Hilario Davide Jr.

 

Ayon kay Albano, may kapangyarihan ang Kamara na ipadampot ang sinumang kongresista kung sinasadya nito ang hindi pagpasok sa sesyon at kung ang kanilang pagliban ay nakakaperwisyo sa takbo ng trabaho sa kapulungan.

 

Ang banta ay inilutang ng mambabatas sa gitna ng mga ulat na ilang mambabatas, karamihan ay mula umano sa ruling party Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), ang nakatakdang sumabotahe sa pagbubukas ng sesyon bukas sa pamamagitan ng hindi pagdalo upang hindi magkaroon ng forum at nang sa gayon ay maobligang i-adjourn ang sesyon nang hindi naiaakyat sa Senado ang Davide impeachment.

 

Bilang kontra aksyon, nakatakdang maghain ng mosyon si Albano upang hilingin kay Sgt.-at-Arms Bayani Fabic ang pagsasara sa pintuan ng bulwagan oras na magsimula ang sesyon at kung kinakailangan ay kaladkarin patungo rito ang bawat kongresistang tatangging dumalo.

 

Ngunit nananatili namang palaisipan kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers kung saan nagmumula ang nasabing 'boycott move' na ipinupukol sa kanilang mga Lakas solons.

 

"Walang desisyon ang Lakas-CMD na iboykot ang sesyon. Nagtataka nga kami kung bakit lumalabas 'yan," anang isa pang taga-Lakas.

 

Ayon kay Barbers, malayung-malayo sa katotohanan ang kumakalat na boycott move dahil sa katunayan nakatakda pa umanong maglatag ng isang 'patriotic stand'.

 

Sinisiguro nitong magkakaroon ng quorum bukas sa pagsisimula ng sesyon.

 

Samantala, nilinaw kahapon ng apat na kongresista na walang koneksyon sa kapalaran ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa 2004 presidential elections kung hindi man magtagumpay ang inaalok nitong covenant sa Davide impeachment.

 

"Presidential persuasion is being used to avert crisis. It has nothing to do with the President being weak or strong politically. That's stretching the imagination," paniwala nina Reps. Monico Puentevella, Exequiel Javier, Prospero Nograles at Jaime Lopez bilang reaksyon sa pangamba ni Batanes Rep. Florencio Abad na baka makaapekto sa political fortune ni Arroyo kung sakaling bumagsak ang inilalatag nitong covenant.

 

Kahapon ay muling siniguro ng Pangulo na hindi na siya makikisawsaw pa sa Davide impeachment sa pagsasabing tututok ang kanyang administrasyon sa pang-araw-araw na gawain at ipauubaya na niya ang isyung ito sa dalawang sangay ng gobyerno, ang lehislatura at hudikatura.

 

1
1512
تعليقات (0)