NAIA 'Terorist Act'

Star

NAIA 'terorist act'

 

Hinihinala ng mga imbestigador ng pamahalaan na ang napigilang pag-agaw sa control tower ng NAIA Terminal 2 na ikinamatay ni ex-ATO chief, retired Col. Panfilo Villaruel ay isang "act of terrorism."


Ito’y matapos mabawi ng mga awtoridad ang may 33 bloke ng dinamita sa kotse ni Navy Lt. Senior Grade Ricardo Catchillar na sinasabing may lakas upang pasabugin ang isang gusali.


Sa ipinatawag na press conference ni Transportation Sec. Leandro
Mendoza kahapon sa gusali ng DOTC, ibinasura nito ang posibilidad ng kaluwagan sa seguridad sa NAIA control tower.


Naniniwala ang kalihim na gawain ng isang terorista ang pagpapanggap ni Villaruel at mayroon itong masamang motibo. Inabuso umano nito ang respetong ibinigay sa kanya ng mga security personnel dahil sa pagkukunwaring magsasagawa ito ng research patungkol sa kaligtasan ng paliparan.


Isa rin
anyang teroristang pagkilos ang ginawang pagtake-over ni Villaruel matapos gawing bihag at tanggalan ng gabay sa paglapag sa bansa ng anim na eroplanong papasok sa naturang paliparan na pawang mga international flight.


Nilinaw rin ni Sr. Supt. Andres Caro, director ng PNP Civil Aviation na tinanggihan ni Villaruel ang anumang isinasagawang negosasyon kaya napilitang akyatin ng SWAT team ang tower upang bawiin ang kontrol nito.


Inihayag din ni Caro na binigyang diin ni Villaruel na walang makakapigil sa kanyang ginagawa bago nagbabalang armado ito ng matataas na kalibre ng baril kasama si Catchillar na itinuturing namang isang eksperto sa bomba.


Gayundin, may 12 katao pa umanong kasama ang mga suspek at nakapagtanim na ito ng bomba sa ilang mga sasakyang nakapalibot sa control tower at nakahanda na itong pasabugin.


Sinabi naman ni MIA Asst. Gen. Manager for Security and Services Angel Atutubo na hindi maaaring ikompromiso ang kaligtasan ng libu-libong pasahero ng mga biyaheng papasok na sa bansa mula alas-3 ng madaling araw noong Nob. 8 kaya kinakailangan ang mabilis na aksiyon.


Maaaring higitan pa umano ng aksidenteng magaganap ang nangyaring 9/11 attack sa Estados Unidos kung saan hindi lang dalawa kundi anim na eroplano ang maaaring maaksidente.

 

 

Narekober Na Eksplosibo Sasabog Na

 

Sasabog na anumang oras dahil sindi na lamang ang kailangan ng nasamsam na 33 bloke ng TNT (trinotoluene) explosives sa narekober na sasakyan ni Catchillar na inabandona sa Caltex gasoline station sa service road sa Pasay City noong Sabado.

 

Sinabi ni P/Chief Insp. Gerald Sison, miyembro ng Explosives Ordnance ng Aviation Security Group na namuno sa operasyon, natukoy nilang may lamang bomba ang sasakyan ni Catchillar matapos na umupo ang tatlong K-9 bomb sniffing dogs kaya maingat nilang kinuha ang nasabing mga pampasabog.

 

 

‘Overkill’

 

Tumibay ang hinala na "overkill" ang ginawang pagpatay kay Col. Villaruel.


Ito ang inihayag ni Frederick Villaruel, panganay na anak ni Col. Villaruel matapos mabuksan ang kabaong at makita ang hitsura ng napatay na ama.


Base sa pahayag ni Praxedes de Vera, embalsamador ng Funeraria Paz kung saan nakalagak ang bangkay ng matandang Villaruel, wasak ang kabuuang ulo nito dahil sa di mabilang na tama ng bala, durog ang mukha na halos panga na lamang ang natira, halos maputol ang braso, may mga tama sa tagiliran kung saan inabot sila ng limang oras para iretoke ang mukha nito bagay na labis na ikinasama ng loob ng kanyang pamilya.


Sinabi ni Maryann Villaruel Timbol, anak na babae ni Villaruel na wala silang tutol kung sino man ang mag-imbestiga sa kaso basta maging patas lang ang isasagawang imbestigasyon.


Sinabi ni
Frederick na kung ano man ang makakatulong para mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng kanyang ama ay gagawin nila.


Wala namang masabi ang mga ito kung ano ang nagtulak dito para isagawa ang marahas na aksiyon na labis nilang ikinagulat.

 

 

Negatibo Sa Powder Burns

 

Idineklara kahapon ng PNP-Crime Laboratory na negatibo sa paraffin test sina Villaruel at Catchillar, pero positibo naman sa ballistic examination ang dalawang baril na nabawi sa dalawa, sangkap ng bomba at time fuse.


Kung negatibo ang dalawa, may posibilidad na hindi nagpaputok ang mga ito taliwas sa inihayag ng assault team na sinalubong sila ng mga ito ng putok.



 

 

1
1540
تعليقات (0)