Desisyon ng Korte sa 'Kuratong' tinanggap ni GMA

abs-cbn

Inihayag ng Pangulong Arroyo nitong Huwebes na suportado niya ang desisyon ng korte na ibasura ang kasong "Kuratong Baleleng" laban kay Sen. Panfilo Lacson.

 

Sa talumpati niya sa mga mag-aaral ng De La Salle University sa Dasmariñas, Cavite, sinabi ng Pangulo na dapat igalang ang desisyon ng korte sa kaso.

 

"Dapat tayong tumalima sa isinasaad ng batas dahil mayroong proseso dito, " anang Pangulo.

 

Pinawalambisa ni Judge Teresa Yadao noong Miyerkules ang muling pagbubukas ng paglilitis ni Lacson at ng 33 iba pang sangkot sa kaso. Si Yadao ang huwes sa Branch 81 ng Quezon City Regional Trial Court na naatasang lumitis sa kaso.

 

Anang huwes, walang sapat na ebidensya upang ipagpatuloy ang paglilitis sa senador. Nauna nang ibinasura ng QCRTC ang naturang kaso noong 1999. Idinahilan ng korte noon na kulang din ang ebidensya para ipagpatuloy ang paglilitis.

 

Pinakiusapan ng Pangulo ang mga bumatikos sa desisyon ni Yadao. Aniya: "Huwag nating haluan ng ingay at kontrobersya ang desisyon ng korte."

 

Sinabi ito ni Gng Arroyo sa harap ng banta ng Kagawaran ng Katarungan (DOJ) na ituloy ang asunto. Ani Undersecretary Jose Calida, pinag-aaralan nila kung maaaring kasuhan si Yadao dahil sa pagbabasura sa kaso.

 

Tiniyak din ni Chief State Prosecutor Jovencito Zuño na magsasampa sila ng mosyon upang iapela sa desisyon ni Yadao.

 

Binuhay ng DOJ ang kaso laban kay Lacson noong Oktubre at iniakyat sa Kataas-taasang Hukuman upang pagdebatehan ng mga mahistrado. Nagdesisyon ang Korte na maaaring buhayin ang kaso kontra kay Lacson ngunit ipinaubayan nito ang paglilitis sa QCRTC.

 

Pinagbintangan si Lacson ng pagpapapatay sa 11 kasapi umano ng Kuratong Baleleng, isang pangkat ng mga holdaper, noong Mayo 1995 sa Lungsod Quezon. Si Lacson ay hepe noon ng Presidential Anti-Crime Commission at namuno umano sa operasyon.

 

1
1580
تعليقات (0)