Tutol sa bitay sa Kongreso magreklamo

Nina Malou Rongalerios/Lilia Tolentino - Star

Hindi sa Malacañang dapat magreklamo ang mga anti-death penalty law kundi sa Kongreso.

Sa pahayag ni Cebu Rep. Antonio Cuenco, chairman ng House committee on dangerous drugs, hindi kasalanan ni Pangulong Arroyo kung ipag-utos man nitong ipatupad ang batas na ipinasa ng Kongreso.


Ayon kay Cuenco, tanging ang Kongreso lamang ang maaaring magbasura ng isang ipinasang batas kaya sa Kongreso dapat pumunta ang mga hindi pumapabor dito.


Naniniwala din ang solon na panahon na upang ipatupad ang nasabing batas na sinuspinde ni Arroyo dahil na rin sa kahilingan ng ilang sektor katulad ng Simbahang Katoliko.

Pinagbigyan na anya ng Pangulo ang mga anti-death advocates kaya dapat lamang pagbigyan din ang mga naniniwalang dapat na itong ipatupad.


Kasabay nito, hiningi ng Malacañang ang pang-unawa ng Simbahang Katoliko sa pag-aalis ng moratorium sa pagpapataw ng parusang bitay.


Ang paliwanag ay pinalabas ng Palasyo kasunod ng kritisismo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) sa pabagu-bagong desisyon ng Presidente.


Nagpatutsada ang CBCP na maaaring pulitika ang nasa likod ng pagbabago ng desisyon ng Pangulo, pero pinabulaanan ito ng Malacañang kasabay ng pahayag na ang tungkulin ng Pangulo ay gumawa ng mga patakarang makabubuti sa mas nakararaming mamamayan.

1
1666
تعليقات (0)