Saddam: Wala akong mapamuksang armas

PLPHP - Reuters

WASHINGTON - Pinabulaanan nitong Linggo ni Saddam Hussein na may mapamuksang mga armas ang Iraq.

Ang pagtanggi ng dating diktador ng Iraq ay inilathala ng Time magazine.

Batay sa mga opisyal ng U.S. intelligence sa Iraq, iniulat ng Time na nang tanungin si Saddam kung ang gobyerno nito ay nag-imbak ng naturang sandata sinabi niyang: "Wala, siyempre. Gawa-gawa lang iyon ng U.S. para may dahilan itong lusubin kami."

Inireport ng news magazine na inusisa rin ang pinuno ng Iraq na kung wala siyang sandatang mapamuksa ay bakit hindi niya pinayagan ang U.N. na inspeksyunin ang mga pasilidad nito.

Sagot ni Saddam: "Ayaw kong mapunta sila sa mga tirahan ko dahil ayokong maistorbo ang aking pagsasarili."

Ayon sa magasin, sinabi ng opisyal ng intelligence na ayaw makipagtulungan ni Saddam at palaiwas siya sa iba pang mga katanungan.

Anang opisyal, hitik na hitik ang talatitikan ng interogasyon kay Saddam ng matatalinghagang mga salitang binitiwan ng dating lider ng Iraq.

Ayon sa ulat, nang tanungin si Saddam ng, "Kumusta ka?" Ang sagot niya ay, "Heto, nanlulumo ako dahil nakakadena ang aking mga kababayan."

Parehong iniulat ng Time at Newsweek na matapos masakote si Saddam ay agad itong dinala sa isang piitan malapit sa paliparan sa Baghdad airport, kung saan nakakulong din ang ibang Iraqi na nakapila para sa interogasyon.

Nang masukol si Saddam, sinabi ng Newsweek na nagpakilala agad sa mga sundalo ang dating lider ng Iraq sabay sumuko nang hindi pumapalag.

"Huwag kayong magpaputok," sigaw ni Saddam, ayon sa isang impormante sa militar na sinipi ng Newsweek. "Ako si Saddam Hussein, presidente ng Republika ng Iraq."

1
1886
تعليقات (0)