RP Nagiging Equador

Jarius Bondoc, Star

NU’NG 1998 pinag-aaralan ni Presidente Virgilio Barco ng Colombia ang Pilipinas bago bumisita nang mapansin niya ang tatlong pagkapareho ng dalawang bansa. Una, ang kolonyalismong Kastila. Ikalawa, mga rebelyong komunista at militar. Ikatlo, lumalalang problema sa droga.


Hindi na nakabisita si Barco dahil nagkasakit sa
Korea habang paparito. Pero nagkatotoo ang pangitain niya sa paglaganap ng salot na droga. Nagpupuwesto ang Colombian drug cartels ng mga alipores sa lokal at pambansang politika. Di naglaon, naipanalo nila si Ernesto Samper para presidente. Batid ng parliament ang dumi ni Samper, kaya ayaw nito nu’ng una itaguyod ang pagwagi niya. Pero binili ng cartels ang mayorya para iproklama siya.


Bagsak bigla ang dayuhang kalakal at kapital. Sino ba naman ang makikipag-negosyo sa bansang hawak ng narcopolitician? Lumaganap ang kidnapping at patayan nang lumubog ang Colombia sa gulo. Nahawa pati mga kapit-bansa. Ginawang transhipment points ng cocaine ang
Bolivia at Peru.


Mas malala ang Equador. Pinayagan nitong magtanim ng coca ang Colombian cartels sa loob ng borders. Tapos, hinalal nitong presidente si Bucharam, na babaero, lasenggo’t sugarol. Dahil sa kurakot, inalis siya ng Kongreso. Pumalit ang bise-presidenteng babae. Hindi nagtanda ang tao. Hinalal naman si Muhuad, na mas malala dahil isang narcodistributor.


Leksiyon ito sa Pilipinas. Napakaraming pagkapareho sa Equador.


Dati-rati, nagpupuwesto ang jueteng lords ng mga alipores sa lokal na pulitika. Sa gayon, protektado sila di lang ng lokong pulis kundi pati ng mayor. Di nakuntento, ginawa nilang pambansa ang raket. Ayon sa jueteng exposés ni Chavit Singson nu’ng 2000, umabot sa Malacañang mismo ang payola ng vice lords.


Gan’un din ang drug lords. Nung una, sa lokal lang nagpuwesto ng alipores. Mga mayor sa Quezon at Misamis ang drug couriers. Pero ganid. Batay sa imbestigasyon ng Senado nu’ng Hunyo-Setyembre 2001, pinasok na rin nila ang Kongreso. Susunod na target: pagka-Pangulo ng Pilipinas.

1
892
تعليقات (0)