Kapayapaan!

Rei Panaligan

LUNGSOD NG MAYNILA -- Sa halip na pook pasyalan ang kanilang puntahan, dinagsa ng daan-daang mamamayan ang Embahada ng Amerika sa isang kakaibang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, ika-14 ng Pebrero.

 

Nagtipon ang iba’t-ibang mga kasapi ng mga samahang ‘di-pampamahalaan, sektoral at pampamayanan upang makilahok sa Pandaigdigang Araw ng Pagkilos para sa Kapayapaan at Katarungan (Global Day of Action for Justice and Peace).

 

Panawagan ng pagkilos sa buong mundo na itaguyod ang pandaigdigang kapayapaan at ihinto ang napipintong pagsalakay ng Estados Unidos sa Iraq.

 

Umaga pa lang ay tumulak na mula sa Pamantasan ng Pilipinas sa Diliman, Quezon City ang mahigit 30 siklista upang dalawin ang embahada ng mga bansang kabilang sa Security Council (SC) ng Nagkakaisang mga Bansa (UN). Ang UNSC ang naatasang sumuri sa kontrobersiyang kinakasangkutan ng bansang Iraq.

 

Binansagang "Bisikleta para sa Kapayapaan", ito ay dinaluhan ng mga indibiduwal na naniniwalang hindi digmaan ang paraan upang pairalin ang pandaigdigang kaayusan. Sakay ng kanilang mga bisikleta, naghatid ang pangkat ng mga bulaklak at liham pangkapayapaan sa mga embahada ng Inglatera, Alemanya, Pransiya, Espanya, at Tsina.

 

Ayon kay Francis dela Cruz, tagapagsalita ng grupo, "Bagama’t hindi kami marami, nais namin na kahit sa munti naming pamamaraan ay makiisa sa panawagan ng buong mundo na huwag hayaang digmaan ang maging kasagutan."

 

"Ang paggamit namin ng bisikleta," dagdag ni Dela Cruz, "ay isang pamamaraan upang isulong din ang mga alternatibong transportasyon na hindi nangangailangan ng langis at maduming teknolohiya."

 

Sa pagsapit ng hapon, binaha naman ang lansangan papunta sa embahada ng Amerika ng mga puso, sagisag ng kapayapaan, bandila, mga mensahe at mga mamamayang nagmula sa iba’t-ibang sektor. Tinatayang may 2,000 katao ang dumalo sa pagkilos.

 

Ayon kay Wigberto Tañada, dating senador at isang tagapagsalita sa pagkilosng, "Ang digmaang ito ay para sa mga higanteng kumpanya na nagnanais kontrolin ang pangalawang pinakamalaking deposito ng langis, ang Iraq, at ang gobyernong Amerika nagnanais buhayin ang merkado ng armas."

 

1
895
تعليقات (0)