Pentagon, muling sumalakay; target na Fil-Am, di natangay

JEOFFREY MAITEM

ISULAN, Sultan Kudarat-Mulng sumalakay ang kinatatakutang Pentagon kidnap-for-ransom gang, na isinangkot sa halos 50 kaso ng pagdukot sa South Central Mindanao, noong Biyernes ng hapon, nang dukutin ang tatlong civilian security escort ng isang Filipino-American na kadarating lamang mula sa kanyang pagbabakasyon sa United States, ayon sa isang mataas na opisyal ng militar kahapon.

 

Ayon kay Brigadier General Agustin Demaala, commander ng 301st Infantry Brigade ng Philippine Army, ang puntirya ng nabigong kidnapping ay si Michael Escanlar, 25, residente ng Sitio Kauswagon, Barangay Kalawag 1.

 

Kinilala ni Demaala ang mga bodyguard ni Escanlar na tinangay ng mga suspek at ginawang pananggalang mula sa mga tumutugis na sundalo at pulis, na sina Hernani Panes, Datu Galvez, at Rey Escanlar, kamag-anak ni Escanlar na siya talagang target sa pangingidnap.

 

Ayon sa ulat, 10 armadong lalaki na sakay ng kulay maroon na Lawin type jeep at isang Grey Mitsubishi lancer na may plate number PNN-632 ang dumating dakong alas-4:35 ng hapon sa farm ni Escanlar kung saan siya namamahinga.

 

Nagawa umanong makaligtas ni Escanlar nang barilin nito ang mga suspek gamit ang kanyang hand gun bago tumakbo patungo sa likod ng kanyang bahay.

Bagama't armado ang tatlong bodyguard ni Escanlar ay nagawa silang kornerin at tangayin ng mga suspek.

 

Idinagdag ni Demaala na ang mga suspek ay mga miyembro ng Pentagon gang na nasa ilalim ni Commander Mayangkang Saguile at Tahir Alonto "because the suspects pattern is the same with the incident earlier this month in Tacurong City."

 

Noong Setyembre 1, anim katao, dalawa rito ay pulis, ang napatay at anim na iba pa ang nasugatan nang tinangkang dukutin ng mga Pentagon gang member ang negosyanteng si Roberto Ang sa Tacurong City.

1
947
تعليقات (0)