Pinay patuloy na inaabuso sa UAE

PLPHP

NATATANDAAN n’yo pa si Sarah Balabagan? Siya yung domestic helper na pinagtangkaan gahasain ng among Arabo sa United Arab Emirates noong 1995. Lumaban si Sarah at napatay ang matandang rapist. Nabilanggo si Sarah pero natulungan ng gobyerno sa pamamagitan ni Amb. Roy Señeres. Nakalaya si Sarah at nakapagpasimulang muli. Ngayon ay nasa mabuting kalagayan na si Sarah sa piling ng kanyang kabiyak.


Hanggang ngayon patuloy ang pang-aabuso sa nasabing bansa. Marami pang Sarah Balabagan doon. Pero ang mas masakit wala nang tumutulong at bagkus ay inaabandona pa. Masuwerte pa si Sarah sapagkat naligtasan niya ang parusa sa pagpatay sa rapist na amo. Ngayon, maaaring kamatayan ang kaharapin ng mga Pinay na nasa UAE, kahit na sila mismo ang inapi.


Isang Pinay na tinawag na "Grace" ang walang awang ni-rape ng isang Emirati na nagpakilalang pulis doon noong
May 16, 2003 sa Dubai. Si Grace ay naglilingkod noon sa isang catering services ng airline nang maganap ang panggagahasa. Pagkaraan siyang gahasain, naospital nang may 10 araw si Grace. Nagkaroon siya ng trauma dahil sa masakit na karanasan sa Emirati.


Sa tulong ng mga kapwa OFWs, ang kaso ay nadala sa Korte sa advice ng Philippine Embassy official doon at nag-hire ng abogado na ang bayad ay $2,500. Ang mga kasamahang OFWs ang nagtulung-tulong para makalikom ng pera. Subalit hanggang doon lamang. Hindi na dumalo ang Embassy official at ang abogado para matulungan si Grace. Pinabayaan na siya.


Ang masakit, si Grace pa ang nakulong dahil sinampahan naman siya ng mga kasong "nasa impluwensiya ng alcohol" at "pakikiapid sa hindi asawa" na ayon sa Migrante ay tahi-tahi lamang. Ayon kay Grace pilit siyang pinaamin ng mga pulis kahit na wala ang kanyang abogado. Nakadagdag sa sakit ng kalooban ni Grace ang nalamang nakalaya sa pamamagitan ng bail ang Emirati na nang-rape sa kanya.


Kawawang Pinay! Ni-rape na subalit siya pa ang nasa kulungan at maaari pang hatawin ng yantok. Dapat gumawa ng hakbang ang Department of Foreign Affairs sa kaso ni Grace. Latiguhin naman ang mga embassy officials na nagpabaya sa kanilang tungkulin. Parusahan ang mga opisyal na ito sa pamamagitan ng pagsibak sa tungkulin. Dahil sa mga opisyal na may ganitong ugali kaya may napaparusahang OFWs. Habang nagpapalamig sila sa kanilang opisina at nagbibilang ng grasya, ang mga kawawang Pinay ay nagdurusa sa kulungan kahit na walang kasalanan. Kailan matatapos ang pang-aabuso sa mga Pinay?

1
951
تعليقات (0)