PNP: Walang Pulis na '15-30'

abs-cbnNEWS

Itinanggi ng pamunuan ng Pambansang Pulisya (PNP) nitong Martes ang ulat ng National Police Commission (Napolcom) na mayroong mga pulis na "15-30" o tuwing sweldo lang kung magpakita upang tumanggap ng sweldo.

 

Ayon kay Supt. Leopoldo Bataoil, tagapagsalita ng PNP, mayroong misyon o nagkataong lumiban ang mga pulis na naitala ng Napolcom sa ulat nito. Sa ulat ng Napolcom na lumabas noong Lunes, 1,095 na pulis umano ang "nawawala."

 

Binanggit sa ulat ng komisyon na malubha kung tutuusin ang problemang ito dahil ang mga pulis na nawawala ay nakatalaga sa maseselang mga pwesto sa Kampo Crame.

 

Sagot ni Bataoil, mahirap para sa PNP na hugutin ang mga tauhan nito kapag nasa kalagitnaan ng isang misyon. "Mahirap silang ipatawag kung nakababad sila sa misyon," aniya.

 

Ngunit aniya, mayroong solusyon dito. "Kapag ganitong wala ang tauhan sa opisina, 'yung hepe ng tanggapan ang gagawa ng ulat tungkol sa kinaroroonan ng kanyang mga operatiba."

 

Ito ang tugon ng PNP, ani Bataoil, upang maiwasan ang mga pulis na tuwing ika-15 at -30 lang ng buwan magpakita sa opisina.

 

Naniniwala ang tagapagsalita na bagama't mayroong sistema ang PNP laban sa mga pulis na lumiliban sa trabaho, mayroon pa ring nakalulusot dito. " Hindi naman 100 porsyentong tiyak ang sistemang ito," aniya, "pero magandang sistema ito para magkaroon ng maayos na pagtatala ng mga operatiba."

 

 

Utos ni GMA


Kasabay ng pagpapabulaan ni Bataoil sa ulat ng Napolcom, inatasan ng Pangulong Arroyo ang PNP at iba pang ahensya ng pamahalaan na imbestigahan ang mga empleadong "15-30."

 

Anang Pangulo, dapat na malinis ang lahat ng tanggapan ng gobyerno sa mga empleado na mistulang "multo" sa trabaho.

 

Sinabi ng Pangulo na itinuturing niyang isa sa mga pinakamalubhang uri ng pagnanakaw ang pagpapakita lang sa opisina tuwing sweldo. Higit pang masama ito, ani Gng. Arroyo, dahil mga alagad ng batas ang may kagagawan nito.

 

Kabilang sa mga pulis na naitalang nawawala sa kanilang mga pwesto noong Hulyo ay ang 12 operatiba sa tanggapan ni Director General Hermogenes Ebdane, at walo sa opisina ni Deputy Director General Edgardo Aglipay.

 

Samantala, 159 ang bilang ng mga pulis na nawawala sa tanggapan ni Director Eduardo Matillano ng Criminal Investigation and Detection Group at 98 sa Philippine Drug Enforcement Agency.

 

Tatlumpu't limang operatiba ang hindi makita sa tanggapan ni Supt. Alan Purisina ng Police Anti-Crime Emergency Response (Pacer), 32 sa Civil Security Group ni Chief Supt. Reynaldo Berroya at 149 kay Chief Supt. Prospero Noble ng Police Security and Protection Office.

1
972
تعليقات (0)