Grupo ng hijacker sa Gitnang Luzon, Nalansag

abs-cbnNEWS

Nabuwag ng pulisya ang isang grupo ng hinihinalang mga hijacker na bumibiktima sa mga trak na nagbibiyahe ng produkto sa Gitnang Luzon, nabatid nitong Martes.

 

Inaresto ng mga awtoridad ang grupo sa isang operasyon noong Lunes sa bayan ng San Leonardo, Nueva Ecija. Nanguna sa aresto ang magkasanib na pwersa ng Traffic Management Group at Police Intelligence and Investigation ng lalawigan.

 

Kinilala ng pulisya ang lider ng pangkat na si Jiboy Cruz alias Kulot Capulong ng Tondo, Maynila. Tumanggi ang mga awtoridad na pangalanan ang iba pang kasapi ng grupo habang iniimbestigahan ang mga ito.

 

Ayon kay Supt. Ronarick Armamanto, may hawak ng kaso, si Cruz ang isa sa mga lider ng grupong "Biscocho." Tinukoy ni Armamento ang naturang grupo na siyang utak ng mga insidente ng hijacking sa mga trak sa Gitnang Luzon, partikular sa mga bumibiyahe sa rutang Nueva Ecija at Tarlac.

 

Dinakip sina Cruz noong Lunes sa aktong sinusundan ang isang trak ng asukal na tinangay nila.

 

Sinabi ni Armamento na karaniwang naibebenta ng mga suspek ang nilalaman ng trak sa halagang P150,000.

 

Dinala sa himpilan ng pulisya sa Lungsod Cabanatuan ang mga suspek para sa imbestigasyon.

1
974
تعليقات (0)