Grado ni GMA bagsak ng 10%, Lacson sinisi

PLPHP

Isinisi ng Malacaٌang nitong Miyerkules kay Sen. Panfilo Lacson ang pagbagsak ng grado ng Pangulong Arroyo sa 41 porsyento mula 51 pagdating sa pagsang-ayon ng publiko sa kanyang pamamahala.

Ayon kay Ignacio Bunye, tagapagsalita ng Pangulo, si Lacson ang tanging dahilan kaya nabawasan ng 10% ang kumpiyansa ng mamamayan kay Gng. Arroyo.

Isinagawa ang sarbey noong Agosto 28, ilang araw matapos ibulgar ni Lacson sa Senado ang ilegal na mga deposito umano ng salapi ni Unang Ginoo Jose Miguel Arroyo. Ani Lacson, nagmula sa ilegal na paraan ang salapi na inilagak sa bangko sa pamamagitan ng alias na "Jose Pidal."

Gayundin, naniniwala si Bunye na ang negatibong galaw ng grado ng Pangulo ay dulot ng bigong kudeta ng mga sundalong rebelde noong Hulyo 27. Inakusahan ng mga rebelde ng katiwalian ang ilan sa matataas na opisyal ng militar, kabilang si Kalihim Angelo Reyes ng Tanggulang Bansa.

Kabilang sa mga inilabas na resulta ng Pulse Asia ang 36% na grado ng Pangulo ayon sa tiwala sa kakayanan niyang magpatakbo ng gobyerno. Walong porsyento ang ibinagsak ng gradong ito mula sa 44 noong Agosto.

Ito ang pinakamababang gradong tinanggap ng Pangulo simula nang iluklok sa poder noong Enero 2001. Nakopo niya ang pinakamataas na gradong 63% noong Marso 2001, isang buwan bago dakpin ng mga awtoridad si dating pangulong Joseph Estrada sa salang pandarambong.

Kaugnay nito, inihayag ng Pulse Asia: "Lahat ng benepisyong nalikom ng Pangulo sa nakalipas na dalawang taon ay nawala bunga ng pag-aaklas ng mga rebelde."

Sinegundahan ni Bunye ang sinabing ito ng Pulse Asia: "Ang lipunan natin ay nasa gitna ng negatibong kaisipan dulot ng paninirang-puri sa kapwa."

Sa kabila nito, tinanggap nang maluwag ng palasyo ang resulta ng sarbey. Dagdag ni Bunye: " Dumaan na tayo sa ganitong yugto. Aminado ang Pangulo na darating ang puntong ganito sa panguluhan ngunit tiwala siya na matatapos din ito."

Inilabas ng Pulse Asia ang resulta ng sarbey sa unang araw ng biyahe ng Pangulo sa Amerika at Europa. Nakatakdang magtalumpati ang Pangulo sa United Nations General Assembly sa New York. Matapos ito, lilipad siya patungong Roma upang dumalaw sa Papa Juan Pablo II.

Magtatapos ang biyahe ng Pangulo sa Paris kung saan siya naimbitahan sa pulong ng U.N. Educational Scientific and Cultural Organization.

1
997
تعليقات (0)