Tayo pa Kaya’y Naniniwala?

Ahmed Baguec

 

 

Sa Ngalan ng Allah, ang Mapagpala, ang Mahabagin

 

 

Tayo pa Kaya’y Naniniwala?

Ahmed Baguec ®

 

 

Kasabay ng pag-unlad ng ating kabihasnan ay ang pag-usbong ng iba’t-ibang uri ng suliranin hindi lamang nauukol sa ating pangkabuhayan at kultura kundi kasama dito ang ating pananampalataya. Nilalamon ng mabilis na pagsulong ng kabihasnan ang diwa ng ating deen (paraan ng ating pamumuhay), ang ating ‘paniniwala’. Marapat nating panatilihing pangunahing adhikain ang pagsunod at pagsabuhay sa mga alituntuning ipinag-uutos ng shari’ah sapagka’t ito lamang ang tanging lunas sa mga suliranain sa ating lipunan at ang tamang landas tungo sa kaligtasan.

 

Bunga nito lubos tayong naging abala sa ating pangkabuhayan at nakaligtaan natin ang pagpapatatag at pagpapayaman sa ating espirituwal na pangangailangan. Nalunod tayo sa kinang ng pilak at ginto, pagpapakasasa at pagkaluho sa masaganang yaman ng mundong ito, kasama na dito ang pagkalasing sa pagmamahal sa ating mga minamahal sa buhay, ang ating asawa’t mga anak at mga kaanak.

 

Unti-unti nating maramdaman ang pagsisikip ng ating kinagagalawan sanhi ng mabilis na paglaganap ng nagkaisang lakas at puwersa ng iba’t-ibang uri ng kasamaan at kabuktutan. Marahil ito’y sa anyo ng sakuna, pang-aapi, pagpipiit, embargo (paglalayo), panakit o panakot, pagtangi ng karapapatan at iba pang uri ng pahirap, panligalig at pananakot. Ang lahat ay naglalayong ilihis tayo tungo sa kadiliman at iguho ang ating pananampalataya at basagin ang ating pananalig.  

 

Subali’t ang lahat ng kanilang ipinadanas ay walang nakamit na tagumpay sa mga lihim nilang layunin sa halip ay ibayong lakas at katatagan ang kanilang namulatan. Ito ang paninindigan ng isang tunay na naniniwala na lahat ay kanyang nasisilayan ang aninong hugis ng mga kaganapang naranasan ng mga naunang nanampalataya sa makabagong anyo at mukha nito. Sila’y hindi natinag at nawalang-bahala, bagkus ay lalo silang mataimtim at puspusan sa kanilang pagsamba sa kanilang panginoon. Maging ang mga panganib na dulot ng digmaang ito’y higit na matindi ang pinsalang maidudulot kung ihahambing sa pisikal na panakit at mawawalang materyal sa masisirang ugnayan sa kapwa at sa pahirap pangkaisipan ng pamilya at sa ibang taong nakapalibot dito, at dalamhati at pasakit sa damdamin. Katulad sa Al-Ahzab, nanatili silang matiisin, mapagpunyagi, lumalaban at umaasa na ang Allah(swt) ay itakda ang tamang daan o pamamaraan sa landas ng ganap na kaligtasan mula sa tiyak na kapahamakan.

 

Sinabi ng Allah(swt), ang Kataas-taasan:

 

At nang makita ng mga nananampalataya ang Al-Ahzab (lipon ng mga magkakaanib, pederasyon) sila ay nagsabi: “Ito ang ipinangako sa atin ng Allah at ng Kanyang Tagapagbalita (Muhammad), at ang Allah at ang Kanyang Tagapagbalita (Muhammad) ay nagsabi ng katotohanan.” At ito ay lalong nakadagdag sa kanilang pananampalataya at kasiglahan sa pagsunod (sa Allah). [Qur'an, 33:22]

 

Mahalaga ang ipinahahayag ng talatang ito na paninindigan sa pagsunod sa Propeta(saw) sa lahat ng kanyang salita at mga gawa at pagtalima sa kautusan ng Shari’ah. Inilalarawan ng Allah(swt) ang katangian ng Kanyang mga alipin na umaasa at naniniwala sa Kanyang pangako na pagkakalooban sila ng biyaya sa mundong ito at sa kabilang buhay.

 

Iniulat na sinabi ni Ibn Abbas at ni Qatadah:

 

Ang kanilang ibig sabihin ay ang ayat sa Surat Al-Baqarah: At kayo ba ay nag-aakala na kayo ay magsisipasok sa Halamanan (ng Kaligayahan) ng walang anumang (pagsubok) na katulad ng dumatal sa mga nangauna sa inyo? Sila ay nakaranas ng mga matinding kahirapan at karamdaman at lubha silang nawalan ng katatagan, na maging ang Tagapagbalita at ang mga naniniwala na kasama niya ay nagsabi: “Kailan pa kaya daratal ang Paglingap ng Allah?” Tunay nga! Walang pagsala, ang Tulong ng Allah ay nandiriyan na! [Qur’an, 2:214] [At-Tabari, 20:236]

 

Ang ibig sabihin nito ay ang ‘pagsubok at pagsusuri’ ay ipinangako ng Allah(swt) at ng Kanyang Propeta(saw) sa atin ay masusundan ng tulong at tagumpay mula sa Allah(swt) ay nalalapit na.’

 

Ang ganap na pagpapakupkop sa Allah(swt) sa anumang uri ng pagsubok sa anumang oras ay ang taglay na katangian ng tunay na naniniwala.

 

Sinabi ng Allah(swt):

 

Ang (mga mapagkunwari) na nagsabi sa mga tao (na sumasampalataya): “Katotohanan, ang mga tao (mga pagano) ay nagtipon-tipon laban sa inyo (na malaking sandatahan), kung gayon, inyong katakutan sila.” Datapuwa’t ito ay lalo (lamang) nagpasidhi sa kanilang Pananampalataya, at sila ay nagsabi: “Ang Allah (lamang) ay sapat na sa amin, at Siya ang Pinakamainam sa Pag-aayos ng lahat ng pangyayari (para sa amin).” [Qur’an, 3:173]

 

Tunay na tanging sa Allah(swt) lamang marapat nating iukol ang ating pagsuko at pagsamba, ang tanging panginoon ng lahat.

 

At ilagay mo (O Muhammad) ang iyong pagtitiwala sa Kanya na Laging Buhay at Walang Kamatayan, at luwalhatiin mo ang Kanyang mga Papuri, at Siya ay Sapat na bilang isang Ganap na Nakakaalam ng lahat ng mga kasalanan ng Kanyang mga alipin; [Qur’an, 25:58]

 

Sa kanya ang ating pagtitiwala sa buhay na ito hanggang sa kabilang buhay. Sinabi ng Allah(swt).

 

…….. At sa Allah (lamang), hayaan ang mga sumasampalataya ay magtiwala. [Qur'an, 14:11]

 

At ang lahat ng ating gagawing paraan pagdating ng itinakda ng Allah(swt) tungo sa kaligtasan ay lahat ating ipagkatiwala sa Allah(swt).

 

Sinabi ng Allah(swt) ang Kataas-taasan:

 

……. At kung kayo ay nakagawa na ng pasya, ibigay ninyo ang inyong pagtitiwala sa Allah, katiyakang ang Allah ay nagmamahal sa mga nagtitiwala (sa Kanya). [Qur'an, 3:159]

 

At ipagkakaloob Niya (ito) sa kanya mula (sa panggagalingan) na hindi niya napag-aakala. At kung sinuman ang magkaloob ng kanyang pagtitiwala sa Allah ay sapat na ang Allah para sa kanya. Katotohanang ang Allah ay walang pagsalang makapagpapatupad ng Kanyang naisin.  Katotohanang sa lahat ng bagay, ang Allah ay nagtakda ng ganap at tumpak na sukat. [Qur'an, 65:3]

 

At sila na tanging naniniwala ay nanatiling matibay ang pananalig sa kanilang panginoon na maging anuman ang pagsubok umaasa at nagtitiwala sila sa pangako ng Allah(swt).

 

Ipinahayag ng Allah(swt):

 

Ang mga sumasampalataya ay sila, na kung ang Pangalan ng AllahU ay nababanggit, ay nagkakaroon ng pangamba sa kanilang puso at kung ang Kanyang mga Talata (Qu’ran) ay dinadalit sa kanila, (na katulad ng ganitong mga talata) ay nagpapaalab sa kanilang Pananalig; at sila ay naglalagay ng kanilang pagtitiwala sa kanilang Panginoon (lamang); [Qur’an 8:2]

 

At walang tigil na buong pusong nagpapakupkop sa kanilang tagapaglikha at tagapagtanggol ay patuloy na humihingi ng patnubay upang maibsan ang kanilang suliranin at manatili sa tuwid na landas, sapagka’t ang Allah(swt) ang lubos na makapangyarihan.

 

Iniulat ni Ibn Abbas na sinabi ng Propeta ng AllahU ay dumaing (humingi sa dasal) sa Allah(swt):

 

“O Allah! Sa Iyo na aking isinuko, at sa Iyo ako naniniwala, sa Iyo ko ipinagkakaloob ang aking pagtitiwala, sa Iyo ako babalik, at sa Iyo ako dadaing. O Allah, ako ay nagpapakupkop sa Iyo sa pamamagitan ng Iyong kapangyarihan; walang ibang nararapat sambahin maliban sa Iyo lamang; na ako’y Iyong pangangalagaan laban sa lihis na landas. Ikaw ang palaging buhay, ang Tanging tagapagtustos at tagapagtanggol sa lahat ng nilikha; ang Siyang Tanging walang kamatayan, subali’t ang mga tao at jinn ay mamamatay.” [Al-Bukhari and Muslim]

 

Maging sa panahon ng pinakamatinding pagsubok o suliranin marapat nating manatili sa ating tapat na paniniwala at pagtitiwala sa Allah(swt). Gaano man ito kasakit o kagimbal-gimbal ang kanilang ginagawang mga panakot o kaya’y pagkaisahan man sila, subali’t ang mga banta at panakot na ito’y lalo lamang nagpapatatag sa kanilang paniniwala sa Allah(swt) sapagka’t tanging ang Allah(swt) ay sapat na kanila, ang lubos na nakababatid.

 

Sinabi Ibn ‘Abbas:

 

Noong si Propeta Ibrahim ay itinapon sa apoy, kanyang sinabi: ‘Ang Allah ay sapat sa atin, at Siya ang pinakamahusay na magkaloob ng lahat ng bagay.’ Ganoon din ang Propeta Muhammad ng sinabihan siya: ‘Isang malaking pangkat ng mga sundalong pagano ang nagtipon-tipon laban sa kanya, kaya’t matakot sa kanila.’ Subali’t ang bantang ito ay lalo lamang nagdagdag sa kanya at sa mga Muslim sa panananalig at kanilang ipinahayag: ‘Ang Allah ay sapat sa amin at Siya ang pinakamahusay na magkaloob sa lahat ng bagay (sa atin).” [Al-Bukhari]

 

At ang ganitong katangian ng tao ay kabilang sa mga pinangakuang makakapasok sa Al-Jannah.

 

Iniulat ni Abu Hurairah:

 

Sinabi ng Propeta, ‘Isang pangkat ng mga tao (lalaki’t babae) na ang mga puso’y tulad ng mga ibon ay makakapasok sa Jannah.’ [Muslim]

 

Ang hadith na ito ay ipinaliwanag (ng mga paham) ang mga taong ito ay yaong nagkakaloob sa kanilang ganap na pagtitiwala sa Allah(swt) – sapagka’t ang mahusay na pagtitiwala sa Allah(swt) at ang kabutihang-loob ng puso ay ang pinakamahalagang katangian sapagka’t sila ang magdudulot sa atin upang makapasok sa Jannah; at ang isang pagpapaliwanag ay yaong mga taong may malambot na puso - hindi tayo dapat masyadong mag-alala sa mga pagkain at paraan ng pamumuhay. Sa katunayan, ang tao ay dapat magkaroon ng puso tulad ng sa mga ibon na hindi mag-iipon upang itago ang anumang bagay at lumabas bawa’t umaga upang maghanap ng pagkain at bumabalik sa kanilang pugad na busog.

 

Ang pagpapaalalang ito ay inulit sa isang hadith at binigyang-diin na kapag ang mga ibon ay iniwan ang kanilang pugad sa umaga ay mga gutom subali’t kapag sila’y bumalik, ang kanilang tiyan ay puno at hindi na sila nangangailangan pa ng pagkain.

 

Sinabi ni Umar:

 

Narinig ko na sinabi ng Sugo ng Allah: ‘Kung ang lahat ay iyong iasa sa Allah ng may tapat na pagtitiwala, tunay ngang Kanyang ipagkakaloob ang iyong panustos tulad ng kanyang pagbibigay sa mga ibon na umaalis na gutom sa umaga at bumabalik na busog o puno ang tiyan sa pagsapit ng dilim.’ [At-Tirmidhi]

 

Ang pagtitiwala sa Allah(swt) ay hindi nangangahulugan na lubusan na nating hindi bigyan ng kahalagaan ang mga makamundong bagay. Ang ibig sabihin ay kasama sa kanilang kahalagahan, ay marapat na tayo’y may buong pagtitiwala sa Allah(swt). Sapagka’t kapag ang mga ito’y hindi ipinagkakaloob, ang lahat ng mga materyal na bagay na ito ay hindi makakamit. Samakatuwid mahalaga rin na magkaroon ng mga materyal na bagay na ito sapagka’t ipinag-uutos rin ito ng Allah(swt). Ang mga ibon ay hindi nanatili sa kanilang mga pugad at dumating ang makain bagkus sila’y lumipad at hanapin ang mga ito. Nangangahulugan lamang na ang ating pagsisikap na magkamit ng mga materyal na bagay ay sapat lamang sa ating pangangailangan at hindi ang paglikom at pagtatago nito.

 

Samakatuwid nararapat ang ating patuloy at pananatiling tapat sa ating pananalig sa kaisahan ng Allah(swt) at huwag nating bayaan ang ating sarili na masilaw sa mga makamundong bagay at maging alipin ng mga ito datapwa’t isaalang-alang ang tapat na paniniwala at mayroon pang higit na mahalagang ating pagtuunan, ang kabilang buhay na tanging mula sa habag ng Allah(swt).

 

Sinabi ng Allah(swt):

 

Katotohanan! Sila na nagsasabi: “Ang aming Panginoon ay ang Allah (lamang),” at higit pa rito ay nag-Istaqamu (tumindig nang matuwid, tunay na sumusunod sa Relihiyon ng Islam at naniniwala sa Kaisahan ng Allah at sumasamba lamang sa Kanya, at matimtiman sa kabutihan), ang mga anghel ay papanaog sa kanila (sa sandali nang kanilang kamatayan, na nagsasabi): “Huwag kayong mangamba, gayundin ang malumbay! Datapuwa’t inyong tanggapin ang magandang balita ng Halamanan (Paraiso) na sa inyo ay ipinangako!” [Qur'an, 41:30]

 

Kami ang inyong naging tagapangalaga sa buhay sa mundong ito at (gayundin) sa Kabilang Buhay; dito ay sasainyo ang lahat ninyong naisin; dito ay sasainyo ang lahat ninyong hihilingin! [Qur'an, 41:31]

 

Iniulat ni Sufyan bin `Abdullah:

 

Sinabi ko. 'O Sugo ng Allah, magsabi ka sa akin ng tungkol sa Islam na hindi na ako magtatanong sa iba hinggil dito.' Kanyang sinabi, 'Sabihin mo, Ako'ay naniniwala sa Allah at manatiling tapat.' [Muslim]

 

Ang pananatiling tapat ay ang matatag na pagtataguyod sa mga ipinag-uutos ng Islam, ang gampanan kung ano ang ipinag-uutos at ang pag-iwas kung ano ang ipinagbabawal, ang pagtupad sa mga ipinag-uutos ayon sa mga tungkulin at kung ano man ang kaayaaya at ang pag-iwas sa mga ipinagbabawal. Ang paniniwala ay hindi lamang sa pagbigkas ng Shahadah. Ang tunay na paniniwala ay kasunod ng pagsasabuhay nito sapagkat ang pagsasabuhay sa pananampalataya ay sa katunayan ang bunga ng tapat na 'Paniniwala'. Ang isang puno ng kahoy na hindi namumunga, ay walang halaga, tulad ng paniniwala na nagiging walang halaga kapag walang pagsasabuhay nito. Ang pananatiling tapat ay ang tanda ng ganap ng 'Paniniwala.'

 

Katotohanan, tunay ngang walang pag-aalinlangan na mahalaga ang tapat na paniniwala at ang pagsasabuhay nito, sapagkat ito lamang ang tanging daan upang makamit ang Kanyang mga kaloob at mga biyaya, subali't hindi marapat sa atin ang labis na umasa lamang sa ating mga sariling gawain sapagka't anuman ang maaring maging pagkukulang (na maaring hindi pa natin batid ito) ay makakasira sa isang mabuting gawain. Samakatuwid, kailangang ipagdasal natin na ang ating mga mabubuting gawain ay tatanggapin ng Allah(swt) at Kanyang ipagkakaloob ang Kanyang ‘Walang-hanggang Habag’ at katapatan sapagka’t maging ang pinakadakilang gawain ay walang saysay at hindi matatanggap kapag wala ito.

 

Iniulat ni Abu Hurairah:

 

Ang Sugo ng Allah ay nagsabi, ‘Sumunod sa Tamang Landas ng Paniniwala ng may lubos na katumpakan, at manatiling matatag sa paniniwala; at inyong alalahanin na wala sa inyo ang magkamit ng kaligtasan sa pamamagitan kanyang mga mabuting Gawain lamang.’ May isang nagtanong, ‘Kahit ikaw, O Sugo ng Allah?’ Kanyang sinabi, ‘Kahit ako, maliban lamang kung ipinagkaloob ng Allah ang Kanyang Habag at Pagpapala.’ [Muslim]

 

Si Propeta Muhammad(saw) ay nagsabi:

 

Ang iman ay katapatan. Siya ay tinanong, "Kanino?" at siya ay sumagot, "Pagkamatapat sa Allah, sa Kanyang mga Aklat, sa Kanyang mga Sugo, sa mga pinuno (Muslim), at sa lahat ng pangkaraniwang Muslim. [Muslim]

 

Pinapatunayan ng Hadith na ito na ang Iman ay hindi lamang isang damdamin o pansariling paniniwala, bagkus isang tungkulin ng isang nananampalataya na maging matapat at mataos sa pagsagawa ang kanyang mga tungkulin sa Allah(swt), sa Kanyang banal na patnubay, sa Kanyang mga sugo at sa sambayanang Muslim.

 

Katotohanan, tunay ngang ganap ang ating deen ul-Islam na malinaw at dalisay. Batid ng lahat na nahaharap tayo sa kasalukuyan ng isang pagsubok sa aking katapatan sa ating paniniwala, halina’t magbigkis kamay, tanggapin ang paghamon at gampanan ang ating tungkulin at ipagtanggol ang Sugo ng Allah (saw).

 

 

Copyright © 2006

Ahmed Baguec ® - PLPHP

www.whymuhammad.com/ph

 

Ipinagkakaloob ang pahintulot sa paglalathala sa akdang ito sa website at ibang mga samahan sa pagpapalaganap ng Islam lamang at tanging nauukol sa kadakilaan ng Allah (swt) kung walang pagbabago sa mga nilalaman nito.

1
3793
تعليقات (0)